Ibinahagi ni outgoing Senator Kiko Pangilinan ang isang variety o uri ng saging na hindi umano kilala ng karamihan, ngunit matatagpuan sa kaniyang bukid sa Alfonso, Cavite.
Ipinakita ni Kiko ang litrato ng mga saging sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 10, na tinatawag umanong "arnibal".
"Heto ang saging na arnibal na tawag sa Alfonso. Hindi siya kilala masyado tulad ng saba, señorita, lakatan o latundan pero isa ito sa pinakamabenta naming produkto dahil sa sobrang tamis kapag piniprito. Kapag hilaw naman sinasawsaw sa bagoong tulad ng manggang hilaw," ani Kiko.
Sa isa pang hiwalay na Facebook post, nanawagan naman siyang patuparin nang buo at agaran ang "Batas Sagip Saka" upang may pagkain umano ang mga Pilipino.
"PATUPARIN NANG BUO AT AGAD ANG BATAS SAGIP SAKA PARA MAY PAGKAIN ANG MGA PINOY," aniya sa kaniyang FB post.
"Napipinto ang food crisis bunga ng giyera ng Ukraine at Russia, at ang pagputol ng global food supply chain sa trigo, at sa langis na siya namang nagpapataas din ng presyo ng abono at kung ano-ano pa."
"Minumungkahi natin ang agaran at buong pagpapatupad ng Batas Sagip Saka para mabuo ang food eco-system at mapatibay ang food supply chain na nakatutok sa kapakanan at kagalingan ng mga magsasaka at mangingisda."
"Kailangan maitatag ang food eco-system sa Pinas na nakasandig sa sariling mga magsasaka at mangingisda, hindi lang sa dayuhan."