Nakuha sa apat na lalaki ang mahigit P600,000 halaga ng umano'y shabu at marijuana sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa mga lungsod ng Caloocan at Malabon noong Biyernes, Hunyo 10.

Sinabi ni Police Brig. Gen. Ulysses Cruz, hepe ng Northern Police District (NPD) ang unang suspek na si Chester Fortades, 30, ng Baesa, Caloocan City.

Sa ulat ng pulisya, ang suspek na sakay ng motorsiklo ay hinarang ng mga operatiba ng Caloocan City Police Station na nagsasagawa ng check point sa North Diversion Road sa Barangay 151 bandang alas-12:35 ng madaling araw noong Biyernes dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Sinubukan pang tumakas ni Fortades ngunit agad siyang nakorner ng mga pulis.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa pagsuri sa kanyang motorsiklo, nakita at nakumpiska ng mga awtoridad ang dalawang kilo ng umano'y marijuana na nagkakahalaga ng P240,000.

Nakuha rin mula sa suspek ang isang asul na paper bag, isang sando, at ang kanyang itim na Yamaha Mio Sporty na motorsiklo.

Samantala, nasabat ng tatlong suspek ang mahigit P400,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Malabon City Police Station sa Reyes Street sa Barangay Santulan, Malabon noong araw ding iyon.

Sinabi ng pulisya na ang mga suspek na sina Dennis Palaganas, 34; Jerald Geronimo, 33; at Cesar Jumawan, 34; pawang residente ng Barangay Santulan, arestado dakong 11:50 p.m.

Nakuha mula sa mga suspek ang 13 transparent sachet na naglalaman ng 60 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P408,000, isang dark blue na pouch, at ang buy-bust money.

Nasa P648,000 ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa mga suspek.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang lahat ng mga suspek.

Kakasuhan din si Fortades ng paglabag sa RA 10054 dahil sa hindi pagsusuot ng protective motorcycle helmet habang nagmamaneho at Article 151 (disobedience to a person in authority) ng Revised Penal Code, sabi ng pulisya.

Aaron Homer Dioquino