Inaasahan ng Commission on Human Rights (CHR) na walang maiiwan na bata sa 30-year Basic Education Development Plan (BEDP 2030) ng Department of Education (DepEd).
Sinabi ng abogadong si Jacqueline Ann de Guia, executive director ng CHR, na ang BEDP ay magsisilbing balangkas para sa pagpapabuti ng paghahatid at kalidad ng batayang edukasyon sa Pilipinas para sa susunod na dekada.
Pahayag ni de Guia, kinikilala ng CHR ang pagsisikap na ito ng DepEd para mapahusay ang access, equity, quality, at resiliency ng ating education system sa pamamagitan ng structured goals at long-term plans.
Nilalayon ng BEDP 2030 na ibsan ang epekto ng pandemya ng Covid-19, tugunan ang mga puwang sa pag-access, at bumuo ng katatagan sa loob ng mga komunidad.
Dagdag pa ni De Guia na pinahahalagahan ng CHR ang pagtugon ng DepEd sa mga umiiral at umuusbong na isyu tungkol sa edukasyon, lalo na ang mga nadagdagan dahil sa pandemya.
Aniya, "The online distance learning scheme surfaced several concerns in education, such as participation of students who lack the resources needed for online learning, the limits in the learning ability of students in a remote setup, mental health issues, and many more."
Nabanggit rin ni De Guia ang mga pag-aaral ng mga eksperto tungkol sa mga pangmatagalang epekto ng pag-alis sa tradisyunal na sistema ng paaralan at potensyal na pagkawala ng pagkatuto na maaaring makaapekto sa mga hinaharap.
Hinimok din ng CHR ang papasok na administrasyon na tiyaking makukuha ng mga bata ang kaalaman at kasanayan na maggagarantiya ng pantay na pagkakataon at magbibigay-daan sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa pagbuo ng bansa.