Tila hindi kumbinsido ang netizens sa panawagan ng Department of Education (DepEd) na maging inklusibo ngayong ipinagdiriwang ang Pride Month. Buwelta kasi ng mga ito, ang mismong ahensya ang hindi tumutugon sa kampanya.

Pagpasok ng buwan ng Hunyo, isa ang DepEd Philippines sa mga ahensyang nagpahayag ng suporta sa pagdiriwang ng Pride Month ngayong buwan.

Isang pahayag sa kanilang opisyal na Facebook page noong Hunyo 1 ang ipinaskil ng ahensya habang ibinida nito ang kanilang Gender-Responsive Basic Education “kung saan ang mga mag-aaral ay may access sa edukasyon na nagpapaigting sa gender equality, gender equity, gender sensitivity, non-discrimination, at human rights.”

Gamit ang kilalang simbolo ng LGBTQ+ community na bahaghari, ang mga salitang “Ikaw, ako, tayo ay para sa inklusibong mundo dahil ang maging ikaw ay isang regalo!” ang mababasa sa publicity material ng ahensya.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

DepEd Philippines/via Facebook

Hindi naman ito kumbinsido ang netizens sa naturang pahayag at inakusahan pa ang ahensya na siyang kontribyutor umano ng diskriminasyon sa komunidad ng LGBTQ+.

Mababasa sa naturang post ng DepEd ang mga hinaing ng netizens kabilang ang tanyag na “haircut policy” na ipinapataw maging sa mga transgender na estudyante.

“Do better next time, DepEd. Hindi convincing!” saad ng isang netizen.

“HYPOCRISY AT ITS FINEST,” saad ng isa pa.

Tinawag din na “patawa” ng isa pang netizen ang pahayag ng ahensya.

Isa namang nagpakilalang transgender ang nagkwento ng kanyang karanasan sa eskuwelahan.

“Your inclusivity only acknowledges gay, lesbian and bisexual students within the bare minimum pero kaming mga trans students hindi, I cannot forget the time na I was FORCED to stop taking hormone pills and to cut my hair short kasi wala pa naman daw SOGIE BILL sa pinas and y’all out here showing clownery???? Try harder DepEd!”

Nananatiling malaking laban pa rin  sa LGBTQ+ community ang paglusot ng SOGIE Bill at mga kaparehong panukalang batas sa Kongreso.

Hinamon ng naman netizens ang DepEd kasunod ng pahayag nito.

“Remove the gendered uniforms DepEd or at least give us a choice on what to wear,” paghihikayat ng isang netizen.

“Sana naman i-allow nyo na yung mga transexual transgender na mahaba yung hair sa pagpasok ng school.”

“No to haircut policy,” segunda ng isa pang komento habang sinabing hindi lang mga estudyante ang apektado sa naturang polisiya kundi maging ang ilang transgender na mga guro.

Sa pag-uulat, wala pang tugon ang ahensya sa reaksyon na ito ng netizens.