Nilinaw ng Department of Health (DOH) na mandatory pa rin ang pagsusuot ng face mask sa pampublikong lugar sa bansa.
Reaksyon ito ng DOH sa kautusan ng Cebu Provincial government na ipinatitigil na ang paggamit ng face mask.
Katwiran ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi pa napapanahong ipatigil ang paggamit ng mask dahil hindi pa rin nawawala ang banta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.
Aniya, nakikipag-ugnayan na ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa provincial government sa lugar kaugnay ng nabanggit na kontrobersya.
Paliwanag ni Vergeire, nakipag-ugnayan muna sana ang mga opisyal ng Cebu sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases upang matalakay ang usapin.