Nagluluksa ngayon ang vlogger at aktres na si Jelai Andres matapos mamatay ang kaniyang dalawang aso. Ayon sa kaniyang kapatid, nilason umano ang mga ito. 

Sa isang vlog na inupload nitong Huwebes, Hunyo 9, ibinahagi ni Jelai ang pagkamatay ng dalawang alagang aso na sina Kitty at Neko. 

Kuwento ng kapatid ni Jelai na si Candy, pag-uwi nila galing bahay hindi nila nakita si Neko na mahilig umano sumalubong sa kanila. Hindi rin daw magkandaugaga si Kitty noong panahon na iyon hinahanap ang kaniyang anak na si Neko. 

Ayon pa kay Candy, nagawa pang umuwi ni Kitty sa kanilang bahay kahit na nanghihina na ito. Doon na rin nila nalaman na nilason ang mga aso. Sinubukan din nila na painumin ng mga paunang lunas si Kitty ngunit hindi na talaga kinaya.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Hindi rin nila tinawagan si Jelai nang malamang nalason ang mga aso dahil baka mag-hysterical umano ito. Kaya't mapapanuod sa vlog na dinala na lamang nila ang abo ng mga aso sa bahay ng aktres. 

Isiniwalat din ni Candy na may isa pang aso nila ang nilason at nakaligtas naman ito. Aniya, mas matatanggap umano rin nila ang pagkamatay ng mga alaga nila kung may sakit ang mga ito.

Alaga raw ang mga aso at mga pusa nila sa doctor para hindi na mangyari ang mga nangyari noon kung saan namatayan ng dalawang aso si Jelai.

"Walang kalaban-laban yung aso. Walang kalaban-laban... hindi ko alam kung paano na makakamove-on sa ganitong pakiramdam. Ang sakit. Lahat kami ng pamilya tulala, hinang-hina kami," saad ni Jelai.

"Parte po ng pamilya yung mga alaga 'wag ninyo naman patayin. Hindi naman makakalaban-- walang kalaban-laban ang aso. Ang sakit. Hindi ko manlang sila nakita. Hindi ko alam kung paano matanggal sa utak ko," dagdag pa niya. 

Samantala, ayon sa aktres, may mga namatay rin daw na iba pang aso sa ilang street ng subdivision kung saan nakatira ang pamilya niya. May panawagan naman siya sa mga umano'y tumatarget sa mga stray.

"Kung target ninyo ang mga stray... hindi ho stray yung mga napatay ninyo," sey niya.

"Kahit naman stray yan, inaampon nga namin yung mga stray eh. Binubuhay ko, binibigyan agad namin ng buhay. Bakit niyo papatayin kung sila naman ang target o ano... ewan, galit na galit ako. 

"Kung stray po 'yang pinapatay ninyo, mali po 'yang ginagawa ninyo. Tsaka huwag po kayo pumatay ng stray. Kung hindi ninyo kaya arugain, huwag ninyo na lang patayin, huwag ninyo na lang saktan. Kung gusto ninyo, ipa-pound ninyo. Ipahuli ninyo at least buhay... o kaya may mga umaampon po sa pound, yung team ko sa Pawsion Project nangunguha kami ng aso sa pound. Dinadala namin sa shelter para roon maaalagaan, hindi papatayin," paglalahad pa ni Jelai.

"Buhay po 'yun buhay. Huwag po kayong pumatay ng buhay. Pagod na ako."