Ipinagbabawal pa ng gobyerno ang pagtampisaw sa kontrobersyal na dolomite beach sa Manila Bay dahil mapanganib pa sa kalusugan ang tubig nito.
Ito ang reaksyon ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Acting Secretary Jim Sampulna.
Sinuportahan naman ni Manila Bay Coordinating Office (MBCO) executive director Jacob Meimban ang pahayag ng DENR at sinabing hindi pa umaabot sa standard fecal coliform level.
Aniya, ang kalidad ng tubig ng beach ay wala pa sa 100 most probable number per 100 milliliters (MPN/100mL) na standard fecal coliform level.
Nauna nang isinapubliko ng DENR na bubuksan ang dolomite beach sa publiko sa Hunyo 12 (Independence Day).
Pagdidiin ni Meimban, ang pagbubukas ng beach ay para lamang sa pagpasyal, paglalakad at panonood ng sunset.
Sa pagbubukas muli ng 'white' beach ay papasinayaan ang World War II Heritage Cannon sa Remedios area upang hikayatin ang publiko na maging makabayan at ipakita na hindi pa tapos ang rehabilitasyon ng Manila Bay.