Viral ngayon sa Tiktok ang isang dismayadong magsasaka sa Benguet matapos maglabas ng kanyang hinanaing sa mababang pagbili sa kanilang repolyo dahilan para masira na lang ang mga ito bago pa maihatid sa merkado.
“[Ang] repolyo, mababa ang presyo [kaya] walang napala. Kayo diyan sa Senado, bakit hindi nasosolbar ang importasyon ng gulay galing ng China,” maririnig na hinaing ng dismayado at tila nangangalaiting magsasaka sa Benguet sa viral Tiktok video.
Matatandaan na noong nakaraang taon hanggang nitong Marso ngayong taon, naging usapin muli sa Senado ang ilegal na importasyon ng gulay mula sa ibang bansa partikular sa China na naiuwi pa sa turuan ng ilang ahensya ng gobyerno.
Dahil sa halos ibigay na lang ng mga magsasaka sa Baguio ang kanilang mga pananim ay kadalasa’y lugi ang mga ito pagdating sa panahon ng ani.
“Wala akong naibenta ngayon. Bagsak ang repolyo, wala akong naibenta. Kahit sentimo. Sisirain ko na lang para maging abono,” saad ng magsasaka sa parehong video habang makikitang gamit ang isang itak ay pinagsisira nito ang mga repolyong hindi pa man naaani ay tila lanta at nangingitim na.
Dagdag niya, “Kung malapit lang sa inyo, para kunin niyo para hindi sayang. Ganito ang ginagawa naming ‘pag mababa ang presyo sa Senado walang kumikita kundi ang mga middlemen.’
Aniya pa, nanatiling mahirap ang buhay ng magsasaka lalo pa’t sinabayan ito ng pagsirit ng presyo ng langis. “Ang hirap ng buhay ng farmer, kapag binenta mo ito magkano ang krudo ngayon ang mahal-mahal pero ang tanim naming hindi tumataas ang presyo,”
“Grabe ang buhay ng farmer dito sa Benguet, sakrispisyo, utang diyan, utang doon. Walang lumalabas na kapital,” pagpapatuloy ng magsasaka sa video.
Ang naturang video ay napanuod na ng mahigit 2.6 milyon dahilan para manawagan ang netizens na tulungan at bigyang-pansin ang sitwasyon ng magsasaka.
Anang netizens, dapat aksyunan ng gobyerno ang pagbili ng mga produkto at ilatag ang mga epektibong polisiya upang maiwasan ang parehong insidente ng pag-aaksaya.
Sinubukan hingan ng panayam ng Balita Online ang Tiktok user para sa karagdagang detalye ngunit hindi pa ito tumutugon sa pag-uulat.