Iniutos ng Sandiganbayan na makulong si outgoing Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay, Jr. ng hanggang 30 taon kaugnay ng pagbili ng Express Savings Bank, Inc. (ESBI) noong 2009 kung saan administrator pa ito ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Bukod sa kanya, hinatulan din si LWUA Acting Deputy Administrator Wilfredo Feleo ng mula 18 hanggang 30 taong pagkakakulong nang mapatunayan sila ng 4th Division ng anti-graft court na nagkasala sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Republic Act 3019 (3 counts).

Pinagbabawalan na rin sila ng hukuman na magtrabaho sa gobyerno.

Gayunman, inabsuwelto sila ng korte sa umano'y paglabag ng mga ito saManual of Regulation for Banks na may kaugnayan sa Section 36, 37 ng Republic Act No. 7653 (New Central Bank Act) nang mabigong mapatunayan ng prosekusyon ang pagkakasangkot nila sa kaso.

2 dambuhalang sawa, nahuli sa kisame ng magkaibang bahay, 1 sa kanila, nakalunok ng tuta!

Nag-ugat ang kaso nang bilhin ng LWUA ang local thrift bank na ESBI na naka-base sa Laguna, sa pamamagitan ng WELLEX Group Inc. (WGI) at Forum Pacific Inc. (FPI).

Ayon sa hukuman, inaprubahan ni Pichay ang pagbili ng ESBI kahit hindi ito kumuha ng regulatory approval sa Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance at sa Office of the President.

Si Pichay ay pinuno ng LWUA board nang maganap ang transaksyon.

“It cannot be denied that accused Pichay and Feleo knew of this requirement as they have been in consultation with the Office of the President, DOF, and BSP. They were specifically advised to secure prior approval of the Monetary Board. This advice was given before LWUA purchased the ESBI shares,” paliwanag ng korte.

Paliwanag pa ng hukuman, binili ng LWUA ang 60 percent share ng ESBI na nagkakahalaga ng P80 milyon, bukod pa ang idineposito na P300 milyon sa nasabing bangko at capital infusion na P400 milyon.

Isinagawa ang transaksyon sa gitna ng patuloy na pagkalugi ng bangko mula 2005 hanggang 2009, ayon pa sa hukuman.

Ang naturang desisyon ng hukuman ay pirmado ninaAssociate Justice Lorifel Pahimna, 4th Division Chairperson Alex Quiroz at Associate Justice Edgardo Caldona.

Czarina Nicole Ong Ki