Hindi pa rin puwedeng arestuhin ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na sumagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City noong Hunyo 5, ayon sa pulisya.
Ikinatwiran ni Mandaluyong City Police chief, Col. Gauvin Mel Unos, hangga't wala pang lumalabas na warrant of arrest ay hindi sila maaaring gumawa ng hakbang laban sa suspek na nanagasa kay Christian Joseph Floralde.
“Nawala na po kasi ang bisa ng warrantless arrest pagka-file ng kaso.As a matter of procedure, kahit sa anong kaso, once the case is filed in the prosecutor's office or the court, ang magagawa ng pulisya ay hintayin ang paglabas ng warrant to be issued by court para maging basehan na mahuli ang suspect,” sabi ni Unos sa panayam sa telebisyon.
Kamakailan, nagsampa na ang pulisya ng kasong frustrated murder laban sa may-ari ng SUV. Kinasuhan din ng obstruction of justice ang mga naka-duty na guwardiya dahil hinarang nila ang mga pulis na magtutungo sana sa bahay ng may-ari ng SUV.
Nag-ugat ang kaso nang sagasaan ng driver ng SUV ang biktima sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis St. sa Mandaluyong nitong nakaraang Linggo ng hapon.
Itinakda ng LTO ang huling pagdinig sa kaso sa Hunyo 10 matapos hindi siputin ng driver at may-ari ng SUV ang unang ipinatawag na hearing nitong Hunyo 7.
Huli namang naiulat na nasa intensive care unit pa ng ospital ang biktima.