Isa pang pagkakataon ang ibinigay ng Land Transportation Office (LTO) sa may-ari ng isang sports utility vehicle (SUV) na sumagasa sa isang security guard sa Mandaluyong City kamakailan, upang makadalo sa ikinasang pagdinig sa Hunyo 10.

Ito ang kinumpirma ni LTO Assistant Secretary Edgar Galvante nitong Miyerkules na nagsabing binigyan pa nila ng "final notice" ang may-ari upang makapagpaliwanag sa LTO sa Biyernes

“Nakasaad doon na binibigyan siya ng huling notice na ini-expect siya na dumalo sa LTO sa Biyernes ng ala-una. Again, yun ang final notice sa kanya,” sabi ni Galvante sa panayam sa telebisyon.

Aniya, kung mabibigo pang dumalo sa itinakdang hearing ang may-ari ng SUV ay hindi na tanggapin ang mga paliwanag nito sa usapin.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Ito na rin aniya ang panahon upang maglabas sila ng desisyong magpaparusa sa may-ari ng SUV, batay na sa mga hawak nilang ebidensya.

Nitong Hunyo 6, naglabas ng 90 days suspension ang LTO laban lisensya ng may-ari ng SUV kasabay na rin ng kahilingang dapat na dumalo ito sa pagdinig ng usapin kinabukasan, kasama ang driver na sumagasa. Gayunman, hindi sinipot ang itinakdang hearing.

Nitong Martes, kinasuhan na ng frustrated murder ang may-ari ng SUV.

Nag-ugat ang kaso nang sagasaan ng SUV ang biktimang si Christian Joseph Floralde na nagmamando sa daloy ng trapiko nang maganap ang insidente sa Julia Vargas Avenue, kanto ng St. Francis Street nitong Hunyo 5.