Hindi na palalawigin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang deadline ng paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato noong May 9 national and local elections.
Matatandaang binigyan lamang ng Comelec ng hanggang nitong Miyerkules, Hunyo 8, ang mga kandidato upang makapaghain ng SOCE.
Ayon kay Comelec-Education and Information Division (EID) Director James Jimenez, ang June 8 deadline na ibinigay ng poll body sa mga kandidato ay pinal na at hindi na palalawigin.
Maliban na lamang aniya para sa mga nanalong kandidato at party-list groups, na bibigyan pa ng anim na buwan, mula sa araw ng kanilang proklamasyon, upangmakapaghain ng SOCE.
“COMELEC Resolution No. 9991, as amended by Resolution No. 10505, governs campaign finance and disclosure. The June 8 deadline in relation to the 2022 NLE is final and non-extendible, except for winning candidates and party list groups,” ani Jimenez nitong Miyerkules.
Paalala pa ni Jimenez, ang mga nanalong kandidato na mabibigong maghain ng SOCE ay hindi papayagang makaupo sa kanilang puwesto.
Matapos aniya ang anim na buwan at bigo pa rin ang mga nanalong kandidato na maghain ng SOCE, idedeklara nang permanenteng bakante ang kanyang posisyon.