Nagdadalamhati ngayon ang komedyana at aspiring beauty queen na si Herlene “Hipon Girl” Budol dahil sa kamakailang pagpanaw ng kanyang “mabuting lola.”
Ilang serye ng Facebook posts ang ibinahagi ni Hipon Girl sa publiko kasunod ng masakit na yugtong ito para sa kanyang pamilya.
Noong Lunes ng umaga, pumanaw ang kanyang Nanay Bireng dahil sa kidney failure bukod pa sa ilan pang komplikasyon.
Kasunod nito, muling inalala ni Hipon Girl ang kabaitan ng kanyang lola na nagsilbi ring inspirasyon para sa kanyang pagpupursige sa buhay.
“Dati, pag may natira ako sa kinita ko sa taping. agad agad ako bibili ng pasalubong kila Tatay Oreng ko at Nanay Bireng kahit tsinelas, duster o kahit anong simpleng pasalubong makita ko lang yung gandang ngiti nila at may bonus pa akong masarap na yakap galing sa kanila,” mababasa sa mahabang Facebook post ni Hipon Girl, Martes.
Hindi rin napigilang balikan ni Hipon ang mga masasayang sandali na nakasama ang kanyang lola at kung paanong naging kasiyahan na niya rin ang mapasaya ang kanyang lolo’t lola.
“Si Nanay Bireng at si Tatay Oreng ang number #1 fan ko at proud na proud sa akin sa bawat appearance ko sa television at wala silang nilalagpasan sa lahat ng appearance ko simula ng Wowowin days,” kuwento ni Hipon Girl.
“Sobra ko silang na appreciate dahil laging silang nakaabang sa TV at proud ako sabihin sa buong KaSquammy, Kahiponatics at Kabudol ko dyan na sila Tatay Oreng at Nanay Bireng pinalaki ako nang maayos at hindi biro yung dalawampu't dalawang taon kaya sobrang sama ng loob ko sa sarili ko na hindi ko man lang sila nabigyan at maranasan ng magandang buhay sa pag-aaruga nila sa akin,” pagpapatuloy ni Hipon Girl.
Nakalagak ang mga labi ng kanyang Nanay Bireng sa Symphathy Memorial Park and Columbarium Chapel of Sympathy sa Brgy. San Isidro, Angono Rizal.
Bukas ito para sa malalapit na kamag-anak at kaibigan ng pamilya ni Hipon Girl.
Isang pakiusap naman ang hiling ni Hipon sa mga sasadya sa burol ng kanyang lola.
“Pakiusap lang po sa mga bibisita na hindi muna ako magpapa-picture, pero puwede po kayong makiramay kasama ako,” aniya.