Dinadagsa ng mga tinamaan ng dengue ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City sa Cagayan.
Sa isang panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni CVMC chief, Dr. Glenn Mathew Baggao, patuloy pa rin ang paglobo ng bilang ng pasyente may dengue ngayong taon.
“Nung Enero ay meron lamang po tayo 7, sa adult, tapos sa pedia ay meron po tayong 6, tapos noong February meron pong 10, meron pong 7 ulit ng March then 18 ng April tapos noong nakaraang buwan noong Mayo ay meron po tayong 39 ‘no. Sa adult po 'yan, pero sa pedia, ibig sabihin sa mga bata, ay pinakamataas natin noong last month, meron po tayong naitala na 46,” paglilinaw ni Baggao.
Nilinaw ni Baggao na sa ngayon ay 19 na pasyenteng tinamaan ng dengue ang nakaratay sa kanilang ospital, kabilang ang tatlong bata.
Kamakailan, isinapubliko ng Department of Health (DOH) na lagpas na sa dengue epidemic threshold ang bilang ng kaso nito sa Cagayan.
Nagtalaga na rin ng dengue express lane ang CVMC upang matutukan kaagad ang mga pasyenteng tinamaan ng nabanggit na sakit.
“Doon sa ating emergency room ay naglagay na po tayo ng isang tinatawag na dengue express doon para po itong mga tauhan natin sa emergency room, wala po silang ibang asikasuhin kundi 'yung mga dumarating na dengue patients," pahayag ni Baggao.
Sa pahayag naman ng Cagayan Provincial Health Office, umabot na sa 1,035 ang kaso ng dengue sa lalawigan mula noong Enero hanggang Hunyo.
Kaugnay nito, nanawagan din si Baggao sa mga residente na tumulong sa anti-dengue campaign ng lalawigan, sa pamamagitan ng paglilinis sa kani-kanilang lugar.