Hindi pa umano nakaaalarma ang naitalangbahagyang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa National Capital Region (NCR), ayon sa independent monitoring group na OCTA Research nitong Miyerkules.

Sinabi ni OCTA Fellow Dr. Guido David, ang NCR ay nakapagtala ng average na 90 kaso ng sakit kada araw nitong linggong ito.Ito ay mas mataas ng 14% kumpara sa 79 lamang na daily average ng mga kaso noong nakaraang linggo.

Sa kabila nito aniya, wala pang dapat na ikaalarma ang publiko.

Aniya, sa ngayon ay nananatili pa ring low risk sa Covid-19 ang Metro Manila.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pagtiyak pa niya, maaari pang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng sakit sa pamamagitan ng pag-iingat at pagsunod sa health protocols, gayundin sa pagpapabakuna at pagpapa-booster.

“Sa ngayon, hindi pa naman tayo alarmed at 'di pa naman natin kailangan mag-overreact at itaas ang alert level ngayon kasi mababa pa rin naman ang bilang ng kaso kahit tumaas,” ani David, sa televised public briefing nitong Miyerkules.

“We’re still at low risk sa Metro Manila, pero pwede natin ma-prevent itong pagtaas ng bilang ng kaso. Mahalaga sana magpabakuna at magpa-booster,” aniya pa.

Ani David, ang pagtaas ng mga kaso ng sakit ay maaari aniyang dulot ng ilang factors, gaya nang pagbaba ng immunity na kaloob ng bakuna, kapabayaan ng mga mamamayan, at pagpasok sa bansa ng mga nakahahawang sub-variants ng Omicron.

“It’s a combination of these factors, hindi natin masasabing isa lang na factor 'yan kaya mahalaga na mag-ingat pa rin tayo,” aniya pa.

Kaugnay nito, inihayag ng Department of Health (DOH), nasa kabuuang 69.5 milyon o 77% ng eligible na 90 milyong populasyon na ang fully vaccinated laban sa sakit.