Nasa 2,784 pamilya na binubuo ng 13,920 indibidwal ang apektado ng phreatic eruption ng Bulusan Volcano sa Sorsogon, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Martes, Hunyo 7.
Sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na ang mga apektadong residente ay mula sa mga munisipalidad ng Juban, Irosin, at Casiguran na lubhang naapektuhan ng ash fall.
Nasa 58 pamilya o 216 na indibidwal ang kinailangan ding ilikas sa Juban evacuation center dahil sa insidente ng ash fall.
“The Bulusan Volcano looks to be calmer now since there were no major eruption activities that were recorded. However, we continue to remind the residents to be cautious in entering the two-kilometer radius Extended Danger Zone and the prohibition from accessing the four-kilometer radius Permanent Danger Zone around the volcano,” ani Timbal sa naganap na Laging Handa briefing.
Sa hiwalay na pulong ng Gabinete noong Lunes ng gabi, Hunyo 6, sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad kay Pangulong Duterte na ang pagsabog ay nagdulot ng P20,285,928 pinsala sa agrikultura.
May kabuuang 3,698.76 ektarya ng mga high-value crops na nasira, ayon kay Jalad.
Samantala, walang nakitang pinsala sa mga sistema ng transportasyon, komunikasyon, kuryente, o tubig.
Sa kabila ng mas maayos na sitwasyon, sinabi ni Jalad na patuloy na binabantayan ng NDRRMC ang sitwasyon sakaling magkaroon ng marahas na pagsabog sa mga susunod na araw.
“The Region 5 Disaster Risk Reduction and Management Office and the provincial government of Sorsogon are planning for the worst-case scenario which is a violent eruption of Mt. Bulusan. If that happens, we will immediately expand the danger zone to six kilometers. About 95,000 individuals might be affected by this,” sabi ni Jalad.
Paglikas
Tumulong ang Philippine Army (PA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa paglikas sa mga apektadong residente sa Sorsogon at sa paglilinis ng ash fall at iba pang debris.
Sinabi ni Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., PA Commanding General, na ang mga tauhan ng 31st Infantry Battalion (31IB) ng 9th Infantry Division (9ID) ay naglunsad na rin ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) operation para sa mga mamamayan ng Juban, Sorsogon. .
Ang 31IB ay nagtalaga ng 16 na pangkat na binubuo ng 147 tauhan, 20 trak ng militar at isang ambulansya para sa pagsisikap ng HADR na tulungan ang 54 na pamilya sa Barangay Puting Sapa, Juban, Sorsogon sa kanilang paglikas, ani Brawner.
"No casualties have been reported and all evacuees, who stayed overnight at the Barangay Tughan evacuation center, already returned to their houses as of June 6. Power, water and communication services are normal while national roads and bridges remain passable,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Admiral Artemio Abu, PCG Commadant, na tumulong ang mga coast guardian sa pagtatayo ng mga tent ng pamilya sa Juban Gymnasium upang matuluyan ang mga evacuees na hindi na-accommodate sa Juban evacuation center.
Martin Sadongdong