Ibinahagi ni outgoing Senator Kiko Pangilinan ang throwback photo ng kaniyang pagtatapos bilang Master in Public Administration noong 1998 sa prestihiyosong Harvard University Kennedy School of Government, USA.
Sa pamamagitan ng kaniyang social media account, ibinida niya ang kaniyang lumang larawan ng kanilang graduation ceremony. Makikita namang kasama niya ang stepdaughter na si KC Concepcion, anak ng misis niyang si Megastar Sharon Cuneta at dating mister na aktor na si Gabby Concepcion.
"June 5, 1998 noong ako'y nagtapos bilang Master in Public Administration at nagmartsa sa aking graduation mula sa Harvard University Kennedy School of Government," ani Sen. Kiko nitong Linggo, Hunyo 5.
"24 na taon na ngunit napakalinaw pa rin sa akin ang mga naranasan ko bilang isang estudyante, public servant, at ama't asawa habang aking tinatapos ang pag-aaral."
"Isang karangalang maging isang alumnus ng Harvard, pero higit na malaking karangalang maibahagi ko ito sa aking kapwa sa pamamagitan ng serbisyo publiko mula pa noong 2001," dagdag pa ng outgoing senator.
Si Sen. Kiko ay naging running mate ni outgoing Vice President Leni Robredo nitong nakaraang halalan, subalit hindi pinalad na magwagi.