Kakasuhan na ng pulisya ang driver ng isang sports utility vehicle (SUV) na sumagasa sa isang guwardiya ng isang shopping mall sa Mandaluyong City nitong Linggo.

Gayunman, tumanggi si Mandaluyong Police commander Col. Gauvin Unos na isapubliko ang pagkakakilanlan ng driver sa hindi mabatid na dahilan.

Nakilala ang driver matapos iberipika sa Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng sasakyan.

Paniniyak ni Unos, sasampahan nila ng kasong frustrated murder ang driver nang sagasaan nito si Christian Floralde na nagpapagaling pa sa isang ospital dahil sa mga sugat sa ulo at bali sa tadyang.

Metro

Nahilong senior citizen na namimitas ng malunggay, tumusok mukha sa bakod

Bago ang insidente, nagmamando ng daloy ng trapiko ang biktima sa panulukan ng Julia Vargas Street at Saint Francis Street nitong Linggo ng hapon.

Mamaya-maya ay dumating ang nasabing SUV na may plakang NCO-3781 na minamaneho ng suspek at pinahihinto ito ng biktima.

Sa halip na huminto, sinadyang banggain ng SUV si Floralde na tinamaan sa hita kaya ito napaluhod.

Nahagip naman ng dashcam ng motoristang si Miko Angelo Ramos ang insidente na pinost ito sa social media at nag-viral.

Kaugnay nito, nanawagan din si Unos sa publiko na sumunod sa batas-trapiko at sa mga nagpapatupad nito, upang maiwasan ang aksidente.