Sa kauna-unahang pagkakataon sa isang panayam, ibinahagi ni Moira dela Torre ang kasalukuyang estado ng kanyang puso matapos ang pinag-usapang anunsyo ng hiwalayan nila ni Jason Hernandez kamakailan.
Sa isang episode ng “Magandang Buhay” nitong Lunes, Hunyo 6, naging bukas ang singer-songwriter sa kanyang nararamdaman sa mga momshies.
Unang kinamusta ni Momshie Regine si Moira at sa unang pagkakataon, ibinahagi nito ang pinagdaraanang sakit at paghilom.
“I’m in a season na hindi ko nakita. Mahilig kasi ako magplano, kumbaga wala ‘to [hiwalayan] sa plano. Pero ang galing kasi dito ko po natutunan na mabait talaga si Lord, kasi dito ko nakikita na pwede pala magsabay yung grieving pati yung healing na parte pala ng grieving yung healing; na pwede pa rin pala ako maka-experience ng joy sa umaga kahit umiiyak ako sa gabi. Pwede pa rin pala ako maka-experience na mahanap ko ulit yung sarili ko kahit nawawala ako sa gabi,” pagbabahagi ni Moira.
Dagdag niya, “First time, sana last time na ‘yung ganito. It’s a foreign feeling to me. And I didn’t expect it to be like this. But I realized na yung what the enemy meant for harm, the Lord will turn it into beautiful things.”
Naniniwala rin si Moira na sa kabila ng pinagdaraanang yugto ng kanyang puso, hindi aniya nabibigo ang mga plano ng Diyos.
Ipinagpapasalamat din ng “Malaya” singer ang nadatnang pamilya sa ikalawang season ng Idol Philippines na may malaking papel sa pagiging matatag niya sa kabila ng mga pinagdaraanang bahagi ng kanyang buhay.
Noong Mayo 31 nang gulatin ng celebrity couple ang online world kasunod ng anunsyo ukol sa kanilang hiwalayan sa pamamagitan ng isang joint statement.
Matatandaang naiulat din kasunod nitop na mahigit dalawang buwan na umanong umalis sa tahanan nila ni Jason si Moira.
Nauna nang inamin ni Jason na naging “unfaithful” siya sa kay Moira sa kanilang tatlong taong pagsasama.
Sa kabila nito, hindi pa rin maiwasan ni Moira na sisihin ang sarili.
“Sa lahat ng pinagdadaanan ko sa buhay, laging ‘yun yung initial reaction. I always say, ‘What did I do wrong?’ especially now, ‘Saan ba ‘ko nagkulang?’. Dati akala ko ‘yung ‘Paubaya’ kanta ko lang. Pero tinatanong naman natin lagi sa sarili natin—‘Saan tayo nagkamali, nagkulang?’. Hindi lang sa relationships, sa career, kung anuman. But at the same time, I also know na God makes all thing beautiful in his time, ani Moira.
Gayunpaman, naniniwala si Moira na bubuuin siya muli ng Diyos, maging ang ngayo’y ex-husband niyang si Jason na bukas sa kanyang pagpapatawad.
Sa kabila ng lahat, panatag pa rin si Moira na may “true love,” lalo na mula sa Diyos.