Iniimbestigahan na ng pulisya kung ginahasa ang isang 22-anyos na dalagang magtatapos sana bilang cum laude matapos matagpuan ang bangkay nito sa Bacacay, Albay nitong Lunes ng madaling araw.
Hindi na muna isinapubliko ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktimang natagpuang may sugat sa leeg, nakataas ang pang-itaas na damit at punit ang pang-ibabang kasuotan.
Sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, nagpaalam umano ang biktima sa pamilya nito na pupunta sa bayan upang kunin ang perang ipinadala sa kanya ng kapatid nitong Linggo dakong 5:00 ng hapon.
Kaagad na nag-report sa mga awtoridad ang pamilya nito nang hindi siya umuwi kinagabihan.
Sa pahayag naman ni Bacacay Municipal Police chief, Maj. Irvin Bellen, nadiskubre ang krimen matapos makatanggap ng impormasyon ang pamilya na may nakitang bakas ng dugo malapit sa kanilang lugar.
Nakita rin umano ang isang hindi nakikilalang lalaking tumatakbo mula sa kinatagpuan ng bangkay.
May teorya si Bellen na posibleng ginahasa ang biktima dahil sa lugar din nangyari ang insidente ng tangkang panggagahasa kamakailan.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang isang person of interest na posible umanong responsable sa krimen.
Idinagdag pa ng mga awtoridad na ga-graduate na sana ang biktima sa kursong accountancy bilang iskolar at cum laude