Dati lang child star noon na nagdalaga na sa harap ng publiko ngayon, unti-unti nang nararamdaman ni Andrea Brillantes ang malalang online bashing, bagay na hindi niya iniisip noon.
Pitong taong-gulang lang nang sumabak sa Goin’ Bulilit si Andrea at unang napanuod sa telebisyon. Lalo lang bumulusok ang karera ng aktres nang patunayan nito ang angking kakayahan sa harap ng kamera.
Sa edad na 19-anyos, si Andrea ay bumida na sa ilang programa sa telebisyon kabilang ang kanyang iconic na pagganap sa family drama na “Annaliza,” “Hawak Kamay,” at pagiging isa sa mga maningning na stars sa remake version ng “Pangako Sa’yo” sa pangunguna ng Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Hindi rin matatawaran ang kabi-kabilang endorsement ng teen star dahil na rin sa kanyang massive influence sa social media.
Kapalit nito, naging bukas sa publiko ang buhay ni Andrea maging ang kanyang love life.
Sa kamakailang panayam ng isang magasin, binuksan ni Andrea ang kanyang saloobin sa nararanasang pambabash.
“When I was younger kasi, puro lang ako love, happiness and positivity. Never ko inisip ’yong mga bashing, kasi nga di naman gano’n ang tingin ko sa mundo,” ani Andrea.
Dagdag ng aktres, “Until unti-unti ko na-realize na madaming mga tao na close-minded. Madaming tao na ’di ka maiintindihan. Madaming tao na ’yong actions mo kahit good intentions ’yan, puwede pa rin nilang maliin.”
Matatandaan na lalo ring umani ng matinding pambabatikos ang aktres matapos hayagang magbigay ng suporta sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo sa nagtapos na halalan noong Mayoo 9.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang aktres sa kanyang mga adbokasiya at maningning na karera sa showbiz.