Sa pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon nitong umaga ng Linggo, Hunyo 5, naghahanda na rin agad ang tanggapan ni outgoing Vice President Leni Robredo para sa relief operations sa mga apektadong lugar.
Ito ang iniulat ng Pangalawang Pangulo sa kanyang Twitter account, Linggo.
“We are currently preparing for our relief operations in Bulusan, Sorsogon and the surrounding areas. Immediate needs identified are face masks and bottled water,” ani Robredo.
Dagdag niya, agad na magpapadala ng team ang OVP sa Sorsogon sa lalong madaling panahon.
Kabilang sa mga natukoy na apektado ni Bulusan ang mga bayan ng Juban at Irosin.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang aktibidad ng bulkan ay tinawag na phreatic eruption na natukoy dahil sa seismic at infrasound monitoring ng Bulusan Volcano Network (BVN).
Ang pagsabog ay tumagal ng halos 17 minuto.
“Local government units and the public are reminded that entry into the 4-kilometer radius permanent danger zone must be strictly prohibited,” dagdag ng Phivolcs.
Sa mga larawan ng Sorsogon Provincial Information Office, makikita ang makapal nang abo na bumalot sa Barangay Bacolod at Buraburan sa bayan ng Juban.