Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang hatol na habambuhay na pagkabilanggo kay retired Philippine Army (PA) Maj. Gen. Jovito Palparan kaugnay ng pagdukot sa dalawang babaeng estudyante ng University of the Philippines (UP) noong 2006.

Ito ang nakapaloob sa ruling ng 1st Division ng CA na may petsang Mayo 31, 2022.

Dahil dito, tatagal pa rin ng hanggang 40 taon sa kulungan si Palparan, kasama ang dalawa pang akusado na sina Lt. Col. Felipe Anotado, Jr. at Staff Sergeant Edgardo Osorio.

Si Palparan ay pinatawan ng Malolos Regional Trial Court ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo nang mapatunayang nagkasala sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa pagkawala nina UP students Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.

Matatandaang dinukot sina Cadapan at Empeño sa kanilang inuupahang bahay sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 26, 2006 at batay sa testimonya ng mga testigo ay sina Palparan, Anotado at Osorio ang nasa likod ng insidente.