Nanawagan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa susunod na administrasyon na huwag na munang alisin ang paggamit ng face mask sa gitna ng patuloy na pagbaba ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.
Sa panayam sa telebisyon, ipinagmalaki ni Duque ang malaking masking compliance ng mga Pinoy mula nang magkaroon ng pandemya sa Pilipinas.
Inihalimbawani Duque ang pag-aaral ng American private research University--John Hopkins University sa Maryland na nagsasabing aabot sa 91 hanggang 96 porsyento ang masking mandate compliance ng populasyon sa buong mundo.“Huwag natin tanggalin ito muna. Premature eh.Let’s keep it at that. ‘Wag muna natin tanggalin ang ating mga mask lalo na nag-full capacity na ang transport sector, nag-full capacity na ang establishments," hirit nito.
Nilinaw niya na sa kabila ng iba't ibang super-spreader events sa nakaraang panahon ng halalan at sa paglitaw ng sub-variants ng Omicron ay hindi pa tumataas ang naitatalang kaso ng sakit kada araw.
“Nag-plateau tayo, mababa na ang mga kaso. Hopefully ay bumaba pa ito below 100 [cases] per day. Nakikita naman natin nasa less than 200 [per day] nitong mga nakaraang linggo.Ibig sabihin niyan ‘yung masking mandate natin, pagsunod ng Pilipino sa minimum public health standards ay napakataas,” anang opisyal.
Aniya, umaasa siya na maipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang mandato sa pagsusuot ng face mask.
Nauna nang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi babawiin ang kautusang pagsusuot ng face mask hanggang sa matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.