Naghain na ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) si Senador Panfilo "Ping" Lacson sa Comelec nitong Biyernes, Hunyo 3. Siya ang unang presidential bet na naghain nito.

Gayunman, wala pang naghahain ng SOCE sa mga tumakbong bise presidente nitong eleksyon 2022. 

Sa pagka-senador naman, naghain na sina dating Senador Antonio Trillanes IV at dating PNP chief Guillermo Eleazar.

Nasa 11 partylist na rin ang naghain ng kanilang SOCE: Abono, Senior Citizens, Bisaya Gyud, Ang Kabuhayan, Ako Bisaya, Kabalikat ng Mamamayan, Abante, Anakpawis, Ang Bumbero, Bayan Muna, at A Teacher.

Sa hanay naman ng mga political party, ang Unido Party pa lamang ang naghahain ng SOCE.

Paalala ng Comelec na hanggang Hunyo 8 lang ang deadline ng paghahain ng SOCE ng mga kumandidato sa halalan 2022-- panalo man o natalo.

“Pinapaalala natin, whether nag-withdraw o natuloy, whether natalo o nanalo, sila po lahat ay magfa-file ng kanilang SOCE,” ani Comelec Commissioner George Garcia, sa panayam sa teleradyo. “Hindi po kami mage-extend beyond June 8.”

Ang mga hindi naman nakapagsumite ng SOCE sa ikalawang pagkakataon ay isasailalim sa perpetual disqualification para humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.

Ani Garcia, sa ngayon ay nasa 500 kandidato noong nakalipas na halalan ang posibleng maharap sa perpetual disqualification.

Ang isang kandidato naman na nanalo sa eleksiyon ay maaari aniyang hindi makaupo sa puwesto kung hindi magsusumite ng SOCE.