Nagbabadya na naman ang pagpapatupad ng mga kumpanya ng langis sa bansa ng malakihang dagdag-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ng industriya ng langis, posibleng tataas sa ₱6.40 hanggang ₱6.70 ang presyo ng kada litro ng diesel, ₱5.15 hanggang ₱5.30 sa presyo ng kerosene at ₱2.65 hanggang ₱2.80 naman ang ipapatong sa presyo ng gasolina sa Hunyo 7.
Ang napipintong price increase ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado at epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Matatandaan na nitong Mayo 31 ay nagpatupad ang mga kumpanya ng langis ng taas-presyo na ₱2.45 sa kerosene at ₱1.20 sa diesel habang nagrollback ng ₱1.70 sa gasolina.
Sa isang panayam, binanggit naman ni DOE-Oil Management Bureau director Rino Abad na mararamdaman ang nasabing price adjustment hanggang sa ikalawang linggo ng buwan.
"For the coming 1 to 2 weeks initially magkakaroon po 'yan ng pagsipa ng price kasi nga definitely meron nang ina-arrange ang mga EU member countries na alternative source at hindi makaalagwa diyan 'yung ating pinagkukunan na karamihan ay Middle East, most likely makikipag-agawan na sila du'n," ayon pa sa opisyal.