Bagaman walang malinaw na patunay sa umano’y naging pahayag ng veteran broadcast journalist na si Karen Davila sa kanyang pag-alis sa bansa sakaling manalo ang isang Marcos, nakisawsaw na rin sa isyu maging ang showbiz columnist na si Manay Lolit Solis.
Sa isang Instagram post, naglabas ng litanya si Manay Lolit sa aniya’y kaso ni Karen na kagaya ng ilang “celebrities na ang bilis magsalita na ngayon ay hindi alam kung paano babawiin” matapos ang naging resulta ng eleksyon.
Matatandaang viral kamakailan ang naging pagbara ni Sen. Imee Marcos kay Karen sa programa nito sa ANC.
Akusasyon kasi ng senadora, ang nabanggit na pahayag ay binitawan ni Karen. Gayunpaman, hanggang sa pag-uulat na ay wala pa ring malinaw na patunay ang alegasyon ni Marcos kung pagbabasehan ang social media accounts ng mamamahayag.
“Kasi nga iyan ang case ng ilan tao na akala mo alam na ang mangyayari resulta. Nakapagtataka nga na sa dami ng hardcore na nag-akalang si Leni Robledo na ang mananalo, ay lumabas na far 2nd lang ito sa boto, not even close,” talak ni Manay Lolit sa hindi kumpirmadong banat ng senadora sa news presenter.
Sunod na nadamay sa isyu maging ang Kapamilya star na si Andrea Brillantes na isa sa mga tumindig para sa kandidatura ni Robredo.
“Kaya gaya ni Andrea Brillantes na akala mo ang talino kung magsabing bobo ang boboto kay BBM, hindi alam kung paano ideny na sinabi niya ito. Iyan ang sinasabi ko, huwag basta bibitaw ng salita na baka hindi mo kaya ang magiging resulta,” payo ng veteran showbiz insider.
Nauna nang naging propesyunal si Karen sa isyu at sinabing hindi siya napikon sa inakto ni Marcos sa kanyang naging panayam nito.
Nagpaabot na rin sa kanya ng “apology” ang senadora.
Basahin: Karen Davila, hindi napikon kay Sen. Imee Marcos – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid