Sinabi ng Department of Health (DOH) na irerekomenda nito sa susunod na administrasyon na panatilihin ang Covid-19 alert level system sa gitna ng patuloy na banta ng viral disease.
“If we are talking about removing the Alert Level System, mukhang hanggang sa susunod na administrasyon ay irerekomenda po ng Department of Health itong ating Alert Level System,” ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Sabado.
“Dahil ito po ang nagbibigay sa atin ng safeguard at nagbibigay sa atin ng guide para alam natin kung ano po ang magiging aksiyon natin base po sa risk level ng mga areas sa ating bansa,” dagdag niya.
Sinabi ni Vergeire na nasa Alert Level 2 pa rin ang ilang lugar dahil kailangan pa nilang isaalang-alang ang kanilang coverage sa pagbabakuna.
“Mayroon pa kasi tayong mga areas na nasa Alert Level 2 pa po at ang ating goal sana ay magkaroon ng Alert Level 1 lahat ng ating mga areas bago matapos ang term ng ating Presidente,” aniya.
“Pero sa ngayon, medyo nahihirapan tayo because of the vaccination coverage of these areas kaya po hindi po sila ma-deescalate to Alert Level 1,” dagdag pa niya.
Tatapusin ni Pangulong Duterte ang kanyang termino sa Hunyo 30. Si dating senador Ferdinand Marcos Jr. ang hahalili kay Duterte matapos manalo sa halalan sa pagkapangulo ng bansa noong Mayo 9.
Analou de Vera