Pinawi ni dating National Task Force Against Covid-19 (NTF) special adviser Dr. Antonio Leachon ang pangamba ng publiko sa nagsulputang sub-variant ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.
Reaksyon ito ni Leachon sa pagpasok ng Omicron sub-variants sa Pilipinas at ang pinakahuli ay ang BA.5 sub-variant.
"Hindi po dapat kayo matakot sa mga variant as long as ’yung inyong mask at ang inyong pagbakuna ay nandoon kahit dalawang bakuna 2 primary vaccines you'll be protected lalo na sa panahon ngayon," lahad nito sa isang panayam sa telebisyon nitong Sabado, Hunyo 4.
Tumaas na aniya ang immunity ng mga Pinoy laban sa virus kasabay na rin ng pinaigting na pagbabakuna ng gobyerno, bukod pa ang na-develop na natural immunity ng populasyon noong Enero kung saan naitala ang Omicron surge.
"Dahil po nabakunahan na po ang mga Pilipino ng dalawa at boosters. Tumapang bigla ang mga Pilipino na tumanggap ng maraming variants. So kahit ano'ng dumating na variant ang tingin ko, tapos nagkaroon pa ng natural immunity ... 'Yan ay nagpatapang na sa atin," ani Leachon.
Naging madali na rin aniya ang pagkuha ng rapid antigen test ng mga nakararanas ng sintomas ng sakit kasabay ng pagsasagawa ng self-isolation upang hindi na madagdagan ang mga pasyente sa mga ospital.
" 'Yun hong BA.5 na 'yan ay anak ng Omicron. 'Yan ay lumalabas sa mga countries na mababa ang vaccination. Itong BA.5 at galing ho ng Africa. Pero, mild na naman po ang cases at hindi po nagtala ng maraming namamatay.Be adaptable to the present condition so that the economy will bounce back para pagkatapos nitong Covid pandemic na ito we can work on the universal health care implementation," pagbibigay-diin ni Leachon.
Nasa 69 milyon na ng mga Pinoy ang bakunado na laban sa sakit, kabilang ang 14.1 milyong tumanggap na ng booster shots, ayon sa Department of Health (DOH).