Nagsalita na ang blogger/journalist na si Sass Sasot sa hakbang na nais niyang gawin patungkol sa may-ari ng venue kung saan idinaos ang graduation ceremony ng Senior High School students sa isang paaralan sa Imus, Cavite, at naganap naman ang insidente ng tangkang pagpapaalis sa kaniya bilang commencement speaker.

Hindi umano nagustuhan ng may-ari ng venue ng graduation, ang Church of God, na isang transgender at tagasuporta ni President-elect Bongbong Marcos, ang magbibigay ng commencement speech sa mga mag-aaral, kaya habang nagtatalumpati si Sasot ay pinatayan siya ng ilaw. Hindi na rin siya narinig dahil pinatay na rin ang sound system upang hindi niya magamit ang mikropono.

Hindi naman nagpatinag si Sasot at itinuloy ang talumpati. Binuksan na lamang ng mga mag-aaral ang flashlight ng kanilang mga hawak na cellphone at itinutok kay Sasot upang matanglawan ito, na patuloy pa rin sa pagsasalita kahit walang mikropono.

Maya-maya, isang staff ng venue ang umakyat ng entablado at pilit na pinababa umano ang blogger. Hindi na rin natapos ang graduation ceremony.

Tsika at Intriga

'Nothing left for me to do but dance!' Latest post ni Daniel Padilla, umani ng reaksiyon

Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/04/sass-sasot-pinatayan-ng-ilaw-sound-system-habang-nagtatalumpati-sa-isang-graduation-ceremony/">https://balita.net.ph/2022/06/04/sass-sasot-pinatayan-ng-ilaw-sound-system-habang-nagtatalumpati-sa-isang-graduation-ceremony/

Sa kaniyang opisyal na Facebook page na 'For the Motherland - Sass Rogando Sasot', idinetalye ng blogger-SMNI news anchor ang mga nangyari.

"THOSE WHO HAVE NOT SINNED TURN OFF THE FIRST LIGHT," panimula ni Sasot sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Hunyo 3.

"Jesus Christ embraced a prostitute into his fold. Tonight, those who claim they are followers of Jesus Christ turned off the light, mic, and attempted to drag out of the stage a Filipino woman of trans background because she was the guest speaker of a school renting their venue."

Sa isa pang Facebook post, sinabi ni Sasot na hindi raw pabor ang may-ari ng venue na isang transgender woman ang magsasalita sa harapan ng mga magtatapos na mag-aaral.

"Hindi po ako gumamit ng toilet na pambabae sa venue. Hindi rin ako nagsuot ng malaswa. Hindi ako nagsalita sa pulpito na gamit ng pastor, kundi sa podium ng eskwelahan. Wala po ako doon upang mangampanya. Ako ay naka-toga. Ako lamang po ay nagpaunlak na maging isang guest speaker sa isang SECULAR na gawain tungkol sa kung papaano maging resilient in the face of adversity gamit ang aking karanasan sa buhay dito sa Pilipinas at sa Europa. Hindi po ang message ko ang hindi nila gusto, kundi hindi tanggap ng may-ari ng venue na ang nagsasalita tungkol sa resilience in the face of adversity ay isang transgender woman."

Screengrab mula sa FB/For the Motherland - Sass Rogando Sasot

Sa kabila ng kahihiyang idinulot nito sa kaniya at sa paaralang nag-imbita sa kaniya, wala umanong balak si Sasot na magdemanda pa.

"Salamat po. Wala po akong balak idemanda ang COG (Church of God). Naniniwala po ako sa forgiveness dahil sa aking Christian heritage. Nailabas ko na ang nangyari at ang aking damdamin. Sapat na po iyon sa akin," aniya.

Screengrab mula sa FB/For the Motherland - Sass Rogando Sasot

Ibinahagi niya ang screengrab ng mensahe sa kaniya ng nagpakilalang pastor mula sa Church of God, na humihingi ng paumanhin sa nagawa ng pamunuan ng naturang venue, subalit nakiusap itong huwag na sanang madamay pa ang organisasyon at ang mga inosenteng miyembro nito.

Nagpasalamat naman si Sasot sa pamunuan ng paaralan, na nagpumilit pa ring imbitahan siyang maging commencement speaker kahit nagbanta na umano ang may-ari ng venue na papatayan ng ilaw at sound system si Sasot kapag natuloy ang pagtatalumpati nito.

"Sa pamunuan ng Southern Philippines Institute of Science & Technology, hindi ko po tinanggap ang honorarium na gusto ninyong ibigay sa akin. And sinabi ko po kay Ma'am Jovy eh i-donate na lang sa charity ng Church of God. Ako po ay seryoso dito. Dahil kahit ganoon ang kanilang ginawa, may mga tao pa rin silang natutulungan. Maraming salamat po," aniya.

Screengrab mula sa FB/For the Motherland - Sass Rogando Sasot

Ngayong Hunyo 4, nagbigay pa ng iba pang paglilinaw si Sasot tungkol sa insidente. Aniya, hanggang sa huli raw ay bantay-sarado ng may-ari ng venue kung pupunta siya o hindi.

"Ilang paglilinaw:"

"1. The night before pa lang ng event eh sinabihan na ako ng Southern Philippines Institute of Science & Technology_Official na gusto akong i-cancel ng may ari ng venue, and Church of God Dasmariñas, bilang guest speaker ng mga estudyante sa kanilang graduation. And yes, ang dahilan eh ako ay isang transgender woman. They were pressured to change the guest speaker LESS THAN 12 hours before the graduation under the threat na i-cancel nila ang graduation ng mga estudyante."

"2. Hindi ako nagpumilit. The admin of the school ay nakiusap sa akin na pumunta pa rin sa Cavite."

"3. Hanggang sa huli ay binabantayan ng may-ari ng venue kung ako ay mag-attend bilang guest."

"4. Hindi ako ang nagpumilit na pumunta pa. Ang nag-imbita sa akin ang gustong manindigan upang makapagsalita pa rin ako sa graduation nila dahil iyon ang ipinangako nila sa mga estudyante."

"5. The owner of the venue judged me not according to my abilities. Southern Philippines Institute of Science and Technology got me based on their evaluation that my life experiences and achievements fit the theme of their graduation. The people who invited me stood up for me kahit hindi nila ako kaano-ano."

"I was encouraged by the courage of the school to defy what they now consider as an 'unlawful' demands from the owner of the venue. That's why I still heeded their request to attend and speak. If Southern Philippines Institute of Science and Technology just caved in to the owner of the venue, what kind of lesson would they teach their students on their graduation day about resilience in the face of adversity?"

"Their students understood what happened. Hence they turned on the lights of their cellphones as the venue turned off their lights as I spoke," ani Sasot.

Samantala, wala pang opisyal na pahayag na inilalabas ang pamunuan ng Church of God Dasmariñas. Naka-limit naman ang mga maaaring magkomento sa kanilang mga post sa kanilang opisyal na Facebook page.

Sinubukang kunin ng Balita Online ang kanilang panig subalit wala pa silang tugon ng pagpapaunlak para sa panayam. Naglabas naman ng opisyal na pahayag ang president at CEO ng nag-imbita kay Sasot.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/06/04/presidente-ng-paaralang-nag-imbita-kay-sass-sasot-para-sa-graduation-ceremony-may-opisyal-na-pahayag/">https://balita.net.ph/2022/06/04/presidente-ng-paaralang-nag-imbita-kay-sass-sasot-para-sa-graduation-ceremony-may-opisyal-na-pahayag/