KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL, Sta. Cruz, Laguna -- Inaresto ng pulisya ang sampung fraternity members na sangkot umano sa hazing rites na humantong sa pagkamatay ng bagong miyembro na isang senior high school student, nitong Sabado, Hunyo 4, sa Kalayaan, Laguna.
Kinilala ni Col. Cecilio Ison Jr., Direktor ng Laguna Police Provincial Office (LPPO),ang mga akusado na sina Leo Sandro Duco, 20; Paulo Lacaocao, 23, Kevin Perez, 23; Jerwin Caraig, 25; Osama Sotomayor, 20, naaresto sila sa dalawang magkahiwalay na chase operation; at panghuli, sina Johndel Ponce, 26, telecoms site engineer; Art Jay Nadal, 19; Wilson Maestrado, 31; Kris Jairo Cabiscuelas, 25, at Kirby Galero, 23, at pawang mga residente ng Barangay San Juan sa bayan ng Kalayaan.
Inaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 28 sa Sta. Cruz, Laguna sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 (R.A. 11053).
Ayon kay Ison, nauna nang kinasuhan ang iba pang miyembro ng fraternity na kinilala ay sina Simeon Rabin Mercado Jr, chairman; Richard Dimaranan Jr, vice chairman – internal; at Vernon Rabutazo, master wielder of the whip-external-- sila ay opisyal ng Tau Gamma Phi Fraternity-Kalayaan Council.
Ang mga naturang miyembro at opisyal ng fraternity ay sangkot umano sa isang insidente ng hazing na isinagawa noong Marso 20, 2022, sa Twin Falls sa Barangay San Juan, bayan ng Kalayaan na ikinasawi ng biktimang si Reymarc Rabutazo, 18, na sumailalim sa initiation rites dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Si Rabutazo ay isang senior high school student at residente ng Purok 1C, Barangay Longos sa bayan ng Kalayaan.