Inirekomenda na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na sibakin sa serbisyo ang anim na pulis-Caloocan City matapos umanong tangayin ang₱14,000 ng isang vendor sa naturang lungsod noong Marso.
Kinumpirma ni PNA-IAS chief, Alfegar Triambulo na ipinadala na nila ang rekomendasyon saDirectorate for Personnel and Records Management-Discipline, Law, and Order Division nitong Martes.
"Ni-recommend po namin na 'yung anim na pulis ay tanggalin sa trabaho," pagdidiinni Triambulo nang kapanayamin sa telebisyon nitong Biyernes.
Kabilang sa pinadi-dismiss sa serbisyo sinaPolice Corporals Noel Espejo Sison, Rommel Toribio, Ryan Sammy Gomez Mateo, Jake Barcenilla Rosima, Mark Christian Abarca Cabanilla, at Daryl Calija Sablay, pawang nakatalaga saCaloocan City Police Drug Enforcement Unit (DEU).
Ikinatwiran ni Triambulo, napatunayang nagkasala ang anim na pulis sa reklamongGrave Misconduct and Conduct Unbecoming of a Police Officer nang atakehin nila ang vendor na si Eddie Yuson at tinangay pa ang pera nito noong Marso 27.
Ang insidente ay nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera, ayon sa PNP-IAS.
"Sila po ay unfit na magpatuloy bilang isang alagad ng gobyerno, bilang isang pulis, sa kanilang masamang ginagawa. Supposedly ay dapat na pinoprotektahan nila ang kanyang property at buhay pero ito ay kanilang minaltrato at sapilitang kinuha ng pera.Ito ay hindi dapat pamarisan at ito ay nakikita namin na circumstances na dapat ay sibakin sa serbisyo ang mga pulis na ito," anang opisyal.
Nauna nang inihayag ng anim na pulis na sinita nila si Yuson at hiningan ng identification (ID) card dahil gumagala umano sa lugar kung saan sila nagsasagawa ng anti-drug operation.
Aminado rin ang mga ito na sinaktan nila ang biktima, gayunman, hindi umano nila tinangay ang kanyang pera.