Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na hindi pa napapanahong bawiin ang ipinatutupad na state of calamity sa bansa sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Sa isang panayam sa telebisyon, idinahilan ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang bahagyang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa sa mga nakaraang araw.
“Nakikita ho natin may kaunting pagtaas ng kaso sa ibang lugar. Pangalawa, may mga pumasok po na sub-variants dito sa ating bansa which is deemed to be more transmissible at saka may immune escape na mechanism sila,” paglilinaw nito.
Kamakailan, nadagdagan na naman ang kaso ng nakahahawang Omicron sub-variant BA.2.12.1, kaya nasa 22 na ang kabuuang kaso nito sa Pilipinas.
Paglilinaw ni Vergeire, ang ipinatutupad na state of calamity ay matatapos sa Setyembre.
“So it will be up to the president if it’s going to be lifted or not. Based on recommendations from DOH and the expert,” anang opisyal.
Pinangangambahan ng mga eksperto ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 bago matapos ang Hulyo o sa unang bahagi ng Agosto dahil sa waning immunity o pagkawala ng protective antibodies laban sa sakit.
Hindi rin pabor si Vergeire sa mungkahing pagtatanggal sa ipinaiiral na alert level status sa bansa dahil isa ito sa indikasyong malalagay lamang sa panganib ang bansa.
Katwiran pa ni Vergeire, mahigit pa sa 40 lugar sa Pilipinas ang hindi pa naaabot ang Covid-19 vaccination target.
“Let us remember that we can only relax and say that we are on that phase na endemic na po at acceptable na kapag mataas din ang immunity ng bansa. Hindi lang po numero or number ng cases ang tinitignan natin,” pahayag pa ng opisyal.