Bahagi pa ako ng United Nations Development Programme (UNDP) at ng Food and Agriculture Organization (UN-FAO) noong nanalanta ang bagyong Yolanda. Nakita ko ang malawak na pinsalang dinulot ng bagyo sa siyam sa pinakamahihirap na probinsya sa Pilipinas. Hinding-hindi ko makakalimutan ang unang pagkakataon na nakita ko ang Tacloban — libu-libong mga bangkay sa lansangan at sa ilang barangay walang ni isang bahay ang nakaligtas. Ang mga estudyante na nag-aaral para sa kanilang exam ay nagising kinabukasan na walang ibang pag-aari kundi ang mga suot nilang damit.

Sa report ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), ang ocean heat content at sea level rise dahil sa climate change ay nagpalala sa mga epekto ng super typhoon Yolanda, ang pinaka-mapinsalang natural na kalamidad sa Pilipinas sa ngayon.

Ngunit hindi na natin kailangang makaranas ng mas marami pang bagyo at iba pang kalamidad na may kaugnayan sa klima upang ipaalala sa atin na totoo ang climate change. Nagsimula na ito ilang dekada na ang nakakaraan at patuloy na tumitindi taon-taon. Kung hindi natin paiigtingin ang mga programa para sa climate change adaptation at mitigation ay patuloy itong magbabanta sa ating mga komunidad at makakaapekto sa ating mga pinakapangunahing pangangailangan, partikular na ang seguridad sa pagkain.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), sa pagitan ng 2010-2019, ang mga extreme weather events sa Pilipinas ay nagdulot ng P463 bilyon na pinsala, 62.7 porsiyento nito o humigit-kumulang P290 bilyon ay pinsala sa sektor ng agrikultura.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noong nakaraang Disyembre, umabot sa P11 bilyon ang pinsalang dinulot ng bagyong Odette sa agrikultura. Ang pangisdaan ang pinakanaapektuhang sektor na nagrehistro ng P3 bilyong pagkalugi; sinundan ng bigas na P2.6 bilyon ang halaga ng pagkalugi.

Noong Nobyembre 2021, nilabas ng United Nations World Food Programme (WFP) ang Climate Change and Food Security Analysis (CCFSA) sa Pilipinas. Sinabi sa pag-aaral na ang pinagsamang mga panganib sa klima, tulad ng bagyo, baha, at tagtuyot ay magdudulot ng malubhang banta sa seguridad sa pagkain. Ang isang malaking panganib ay ang pagbabago ng presyo ng mga pagkain na sanhi ng pagkagambala sa produksyon ng pagkain sa mga lugar na apektado ng mga climate-related hazards.

Inilista sa CCFSA ang top three climate-related risks sa seguridad ng pagkain sa Pilipinas sa mga darating na dekada. (1) Ang pagdalas at mas malubhang mga pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa ay makakaapekto sa mga rice at annual crops livelihood zones. (2) Ang pagtaas ng mean temperature ay magiging dahilan sa pagkalat ng mga sakit sa pananim at pagtaas ng mga insidente ng tagtuyot. (3) Ang mga extreme weather events tulad ng mga super typhoon ay maaaring makaapekto sa produksyon ng agrikultura at pangisdaan dahil sa pagkasira ng mga pananim at mga pasilidad sa paghuli/pag-iimbak ng isda mula sa malakas na hangin at pagbaha.

Habang ang mga datos na ito ay nagpapakita ng mga epekto sa agrikultura, ang mas higit na makararamdam ng mga epekto nito ay ang mga mahihirap. Binigyang-diin ng pag-aaral ng WFP na ang epekto ng klima sa mga supply chain ng agrikultura, paghahayupan at pangisdaan ay makakaapekto sa produksyon, pamamahagi, at pagkonsumo ng pagkain, na nakakaapekto naman sa pagkakaroon, pagiging abot-kaya, at pag-access sa masustansyang pagkain, partikular para sa mahihirap. Sila na hindi naging sanhi ng pagbabago ng klima ay siyang daranas sa mga matitinding epekto nito.

Mayroon na tayong mga batas na nakatuon sa pagkamit ng climate resiliency, mayroon tayong climate-resilient na mga patakarang nauugnay sa agrikultura, at ang Department of Agriculture (DA) ay mayroong Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) na programa mula noong 2014, na nagpapatupad ng mga teknolohiya at kasanayan tulad ng alternate wetting and drying (AWD), organic farming, at crop rotation, bukod sa marami pang iba.

Ang ating mga magsasaka at mangingisda ay nangangailangan ng agarang suporta upang maging matatag ang kanilang mga kabuhayan sa mga natural na panganib at epekto sa klima. Sa pangunguna ng gobyerno, kailangan natin ng isang whole-of-society approach upang mapagaan ang mga epekto ng pagbabago ng klima, dapat tayong lahat ay magtulungan upang labanan ang mga banta sa ating mga kabuhayan at seguridad sa pagkain.