Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na wala silang nakikitang banta sa seguridad sa inagurasyon nina President-elect Ferdinand Marcos, Jr. sa Hunyo 30 at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa Hunyo 19.
Gayunman, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, bumuo pa rin sila ng Security Task Group Manila at Security Task Group Davao upang bantayan ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Ang inagurasyon ni Marcos ay nakatakdang isagawa sa National Museum.
Nagsasagawa pa rin aniya ng intelligence monitoring at gathering ang pulisya dahil hindi pa rin sila magiginng kampante upang matiyak ang kalligtasan nina Marcos at Duterte-Carpio.
Naghahanda na rin aniya ang mga pulis sa Davao City upang magbantay sa inagurasyon ni Duterte-Carpio sa Davao City.
Kaugnay nito, nagpulong na ang mga opisyal ng Office of the President, Department of Public Works and Highways (DPWH), National Museum at Inaugural Committee ni Marcos upang plantsahin ang inagurasyon ni Marcos.
Inaasahang manunumpa si Marcos sa harap ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.