Sinabi ni Senador Richard Gordon nitong Biyernes na ang mamamayang Pilipino ang talo matapos bigong makakuha ng pag-apruba ng Senado ang draft committee report sa kuwestiyonableng pagbili ng umano'y sobrang presyo ng Covid-19 supplies ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ikinalungkot ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang katotohanang may ilang senador na tumangging pumirma sa ulat dahil sangkot sa ulat si Pangulong Duterte.
“Puwede nilang sabihin ‘I dissent,’ ‘I disagree,’ o ‘I will interpellate’ dahil dadalhin ‘yan sa plenary ‘pag pumasa para pag-usapan,” ani Gordon sa isang panayam sa Teleradyo.
“Tapos sasabihin nila, magre-reserve sila, mag-interpellate ako o ‘di kaya, will amend. Ang naging problema, walang nag-ganoon. ‘Halimbawa, si Risa Hontiveros, will interpellate o si Recto, sabi niya, will amend. Ganoon,” ani Gordon.
Gayunpaman, siyam na senador lamang, kabilang si Gordon, ang pumirma sa partial committee report, dalawang pirma ang kulang para mapag-usapan sa plenaryo.
Sa halip, hiniling ni Gordon sa kanyang talumpati noong Mayo 31, sa pamunuan ng Senado na ipasok ang buong ulat sa mga talaan ng Senado.
Nanawagan din si Gordon, na nabigong manalo sa reelection noong nakaraang May 9 senatorial polls, sa kanyang mga kapwa mambabatas na ipaalam sa kanilang mga kababayan ang kanilang paninindigan sa isyu, dahil likas nilang karapatan na malaman ang opinyon ng kanilang mga halal na opisyal.
Bago ang hakbang, ibinunyag din ng senador na sumulat siya sa bawat senador, na hinihimok silang lumagda, at ayusin ang kanilang mga pangamba sa mga sesyon ng plenaryo.
“Bago ko ginawa ‘yang (privilege speech), sinulatan ko ang mga senador. Ang importante ay malaman ng publiko itong report at mapag-usapan sa plenary,” ani Gordon.
Ang Pharmally, na direktang nauugnay sa dating presidential economic adviser na si Michael Yang, ay ibinunyag na may kaduda-dudang legal, financial, at technical capabilities, na mayroon lamang P625,000 na kapital. Gayunpaman, nakapasok ito sa multi-bilyong pisong deal sa Department of Budget and Management’s Procurement Service para sa pagbili ng mga suplay ng Covid-19.
Gayunpaman, paulit-ulit na ipinagtanggol ni Duterte si Yang laban sa pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon na nag-imbestiga sa mga alegasyon na ang mga suplay ng Covid-19 na dinala ng gobyerno mula sa Pharmally ay hindi lamang sobrang presyo kundi substandard din.
Gayundin, ang ilan sa mga opisyal nito, sina Twinkle at Mohit Dargani, ay nahuli sa Davao noong Nobyembre dahil sa pagtatangkang tumakas sa bansa.
Ang lalaking Dargani at Linconn Ong, isa pang executive ng Pharmally, ay inutusang makulong ng Senado para sa criminal contempt, dahil tumanggi silang makipagtulungan sa Blue Ribbon panel. Ngunit noong Hunyo 2, Huwebes ay nakalaya ang mga ito sa Pasay City Jail dahil natapos na ang Third Regular Session ng Senado.
Iniugnay din sa kaso ang mga officer-in-charge ng DBM-PS na sina Christopher Lloyd Lao at Warren Rex Liong, na kilalang mga hinirang ni Duterte.
Hannah Torregoza