Tila may bago nanamang hirit ang 'Eat Bulaga' host na si Joey de Leon. Ibinahagi niya ang dalawang kahulugan ng salitang 'talunan' para sa mga nanalo at hindi nanalo sa nagdaang eleksyon.
Sa kaniyang Twitter, nag-upload siya ng isang video na nakasulat ang salitang 'TALUNAN' sa isang papel at nakadikit ito sa ilalim ng mistulang painting.
"Same word, different meanings," nakasaad sa caption.
"Ano ang kaibahan at kahulugan ng salitang ito sa mga nanalo at hindi nanalo nitong nakaraang eleksyon?" tanong ni Joey.
"Sa natalo, talunan," sey niya, na ibig sabihin ay hindi nanalo o hindi nagwagi.
"Sa mga nanalo, talunan," saad naman niya, na ang ibig sabihin ay nagtatatalon sa tuwa.
Kamakailan lamang din ay pinag-usapan ang biro ng ‘Eat Bulaga’ host tungkol sa pagkapanalo sa halalan nina President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Vice President-elect Sara Duterte.
“Bakit si BBM Presidente ngayon? Kasi after DU30, yung may 31 naman! After that, DU30 TOO! Gets?” ani Boss Joey.
Umani ito ng iba't ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen.
Basahin:https://balita.net.ph/2022/05/31/joey-de-leon-nagpakawala-ng-hirit-tungkol-sa-pangunguna-ni-bbm-sa-surveys/