Kahit matatapos na ang pagiging senador, desidido pa rin si outgoing Senator Leila de Lima na mapalaya at umaapela na sa dating hepe ng Albuera, Leyte Police na si Lt. Col. Jovie Espenido na lumantad na at sabihin ang katotohanan sa kanyang kaso.
Ginawa ng senador ang hakbang kasunod na rin ng pag-urong ni Marcelo Adorco sa testimonya nito laban sa kanya.
Dapat na aniyang lumabas si Espenido at linisin siya nito sa alegasyong idinadawit ito ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosasa umano'y illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.
"Lt. Col. Jovie Espenido must now also come clean and tell the truth. He knows that I have absolutely no links to self-confessed drug lord Kerwin Espinosa and/or any involvement in the illegal drug trade,” ayon sa Twitter post ni De Lima.
Binanggit ni Adorco sa counter-affidavit nito, pinilit lamang umano ito upang gumawa ng sinumpaang-salaysay dahil sa pangamba sa kanyang buhay habang nasa kustodiya ng Albuera Police Station kasunod ng pag-aresto sa kanya sa ikinasang buy-bust operation, kabilang ang iba pa niyang kasamahan, noong Hulyo 2016.
Si De Lima ay nakapiit pa rin sa PNP-Custodial Center mula nang arestuhin noong Pebrero 2017 matapos idawit sa paglaganap umano ng iligal na droga sa NBP noong kalihim pa ito ng Department of Justice.