Ibibigay na ng Land Transportation Office (LTO) ang aabot sa 10 milyong plaka ng motorsiklo sa susunod na administrasyon.
Paliwanag ng LTO, unti-unting naiipon ang mga plaka ng mga nakarehistrong motorsiklo dahil bawat taon ay aabot sa 1.2 milyon hanggang 1.3 ang nairerehistrong motorsiklo sa bansa.
Aminado rin ang LTO na wala na silang ibang paraan kundi madaliin ang produksyon ng mga plaka.
Idinahilan ni LTO chief Ed Galvante, tambak na umano ang ginagawang plaka sa plate-making facility ng ahensya sa kabila ng idinagdag nilang equipment.
Inuuna rin aniya nila ang mga nakarehistro noong 2018 hanggang 2021. Pinayuhan din ang mga may-ari ng motorsiklo na nakarehistro noong 2017 na hintayin na lamang kanilang plaka dahil natambakan na umano ang mga gumagawa nito.
Sa pagtaya ng LTO, aabot sa 10 milyon ang kakailanganing plaka hanggang 2024.
Kaugnay nito, nanawagan din ang ahensya sa Kongreso na bigyan sila ng pondong aabot sa P2.6 bilyon upang mapadali ang paggawa ng plaka.