Nabisto ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang tinatayang aabot sa ₱5,100,000 na halaga ng shabu na itinago sa isang package na galing sa Mexico kamakailan. 

Sa report ng PDEA, natuklasan ang nasabing iligal na droga na nakasilid sa kahon matapos dumaan sa X-ray scanning inspection sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City.

Dahil dito, kaagad na nagkasa ng controlled delivery operations ang mga awtoridad na nagresulta ng pagkakaaresto ng claimant ng parcel na si Bryan Vincent Pagayon, 42, taga-Greenacres Subdivision, Brgy. San Isidro, Cainta Rizal habang inaresto rin ang kasama niya na kinilalang si Ferdinand Jimenez, 65, taga-131 Lope K. Santos St., Brgy. Pedro Cruz, San Juan City. 

Dumating sa bansa ang package galing sa isang Juan Miguel Jacobo Erenia, taga-Av Pedro Loyola 10 Frace Acapulco, Ensenada, Baja California sa Mexico.

National

Dela Rosa at Marcoleta, binisita si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez sa ospital

Naideklara ang package na "baterin musical jr, at dulces." Gayunman, nang buksan ito ay nadiskubre ang 750 gramo ng illegal drugs.

Sina Pagayon at Jimenez ay nasa kustodiya na ng PDEA habang iniimbestigahan ang kaso.