Nagbakasyon sa Madrid, Espanya sina Senator-elect Robin Padilla at Mariel Rodriguez kasama ang kanilang mga anak, pagkatapos ng halalan, bagama't nauna lamang si Mariel at mga anak nila at sumunod na lamang si Binoe.

Mayo 9 pa lamang ay lumipad na patungong Espanya sina Mariel at mga anak, dahil nabili na raw niya ang mga tiket in advance. Susunod na lamang daw si Robin.

"Hola! We are complete!" saad ni Mariel sa kaniyang Instagram post noong Mayo 24, nang sumunod na roon si Robin.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Noong Mayo 31, naisalaysay ng halal na senador na naospital pala siya dahil sa matinding pagkahilo.

Isinalaysay ni Robin ang mga naranasan niya sa kaniyang Facebook page kahapon, Hunyo 1.

"Bismillahi."

"Alhamdulillah binigyan pa ako ng Allah ng buhay Alhamdulillah," panimula ni Robin.

"Maraming salamat po Ambassador Lhuillier ng Espanya."

"Binantayan ako kasama ng aking asawa na si Mariel na parang isang Ama kasama rin ang kaniyang staff na sina Sir Brian at Ma'am Peachy."

"Napakahirap intindihin ng nangyari sa akin."

"Wala akong kahit anong sakit pero bigla na lang ako nawalan ng lakas sa tuhod ko habang naglalakad sa parke dahilan para kagyat ako umupo sa ilalim ng puno. Nagdilim ang paningin ko at bumagsak ako sa puno sa likod ko. Hilong-hilo ako," kuwento ni Robin.

"May Espanyol ako na naririnig ko sa paligid ko. Kinakausap ako parang nais niya ako alalayan ilang sandali ay lumiwanag ang paningin ko."

"Nanumbalik ang lakas ng tuhod ko. Dahan-dahan ako tumayo. Inalalayan ako ng Espanyol. Hindi ko siya naiintindihan kaya

sabi ko lang salamat señor."

"Hinanap ko kung nasaan ang asawa ko. Nakita ko ang 2 namin kapamilya kasama si Gabzy na himbing na himbing sa kanyang stroller. Wala si Mariel kasama si Isabela na nakasakay sa isa sa mga rides. Nahihirapan na ako huminga. Bumibigat ang dibdib ko. Kailangan ko na pumunta sa ospital," kuwento pa ni Robin.

"Nagpaalam ako kay Gabzy at sa mga kapamilya. Hilong-hilo na naman ako. Pinilit ko maglakad hanggang sa entrance. Wala akong makitang taxi. Nag-message ako sa kababata ko na sunduin ako at magdala ng taxi."

"Nag-message din ako kay Sir Ambassador LHUILLIER na tulungan ako makapunta sa ospital."

"Nararamdaman ko na naman na nawawalan ng lakas ang tuhod ko. Parang babagsak na naman ako. Pagtingin ko sa kaliwa ng entrance gate, nakita ko ang clinic Pinuntahan ko agad ito pumasok at sinalubong ako ng nurse na marunong mag -English."

"Sinabi ko sa kaniya ang nangyayari sa akin. Pinaupo niya ako kinunan ng BP."

200/150 raw ang blood pressure niya at nagulat daw ang nurse kaya inulit ulit. Sa pag-ulit, ganoon ulit ang kaniyang BP. Nagdesisyon na umano ang nurse na tumawag ng ambulansiya.

Sa puntong ito ay dumating na raw sina Mariel at Isabela. Pinainom siya ng gamot na pampababa sa blood pressure subalit ganoon pa rin daw at walang pinagbago. Hanggang sa dumating na ang ambulansiya at dinala na siya sa ospital.

"Sinaksakan ako ng dextrose/ ecg. Unti-unti umepekto ang gamot. Naging 140/104. Napanatag ang lahat dahilan para alisin na ang mga aparato ng ambulansiya."

Ngunit hindi nakampante si Mariel na hindi siya ganap na naeexamine kaya dumiretso sila sa isang pribadong ospital. Sumailalim umano siya sa blood test, urine test, at X-ray subalit lahat naman daw ay normal ang resulta.

"Binigyan Lang ako ng gamot sa high blood good for 5 days. Nakauwi na ang lahat at makapahinga," ani Robin.

Umaasam ang bagong halal na senador na sana raw ay dulot lamang ito ng kaniyang 'pagtanda'.

Sa ngayon ay mukhang nasa mabuting kalagayan na ang aktor-senador.