Boluntaryong sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes si National Broadband Network (NBN)-ZTE deal whistleblower Rodolfo "Jun" Lozada, Jr. matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang hatol na pagkakakulong sa kasong graft na kinasasangkutan din ng kapatid na si Jose Orlando.
Ito ay kasunod na rin ng inilabas na warrant of arrest ng Sandiganbayan-4th Division nitong nakaraang Mayo 10.
Agad na naglabas ng arrest warrant ang anti-graft court kasunod na rin ng pagpapatibay ng Supreme Court sa anim hanggang 10 taon na pagkakakuklong na inihatol ng korte noong 2016.
Nag-ugat ang kaso nang i-award ni Lozada sa kanyang kapatid ang leasehold right ng 6.5 ektaryang lupain ng pamahalaan habang ang una ay pangulo pa ng Philippine Forest Corporation (PhilForest) na pag-aari ng gobyerno noong 2007.
“My appeal at the Supreme Court was denied. They affirmed my conviction by the Sandigan (Sandiganbayan) to a 6-10 years prison term at the Bilibid (New Bilibid Prisons).My enemies made good with their threats that they will make me regret for telling the truth," pahayag ni Lozada nitong nakaraang buwan.
Noong 2007 hanggang 2008, tumestigo si Lozada sa Senado at ibinunyag na tinangkang ibulsa ng ilang opisyal ng administrasyon niGloria Macapagal-Arroyo ang milyun-milyong pisong 'grease money' para sa NBN-ZTE deal.
Dahil sa pagbubunyag ni Lozada, kinasuhan ng graft sina Arroyo, dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos, at ilang opisyal. Gayunman, inabsuweltorin ang mga ito.
Hinihintay na lamang ng magkapatid ang kautusan ng hukuman upang mailipatang mga ito sa National Bilibid Prison.