Pinayuhan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Senator-elect Robin Padilla na mag-aral nang mabuti dahil sa posibleng pamumuno umano nito sa constitutional amendment sa Senado.

Sinabi ni Zubiri sa kaniyang panayam sa TeleRadyo nitong Hunyo 1, na naniniwala siyang hinihingi ni Padilla ang constitutional amendment base na rin sa mga panayam nito sa telebisyon at radyo.

"Wala pong gustong maghead ng committee na yan and therefore kung yan po talaga ang adhikain niya, he might shine.Let us listen to his arguments, dapat pag-aralan niyang mabuti itong Consti amendments and revision of laws. Remember revision of laws din yan so yung mga papalitan na batas, yung aamyendahan na batas, lalo na sa mga issues on criminal law and other corporate law. Dadaan sa kaniya yun," ayon kay Zubiri.

"Actually sa totoo lang, abogado talaga ang humahawak ng committee na yan, pero gusto niya eh. So baka magpakitang gilas ang ating kaibigan na si Senator Robin Padilla but I have to appeal to him and of course bigyan ko po ng payo at advise, mag-aral nang mabuti. Kailangan mag-aral ka nang mabuti dyan. Kasi mga kausap mo dyan justices eh, constitutionalist," dagdag pa ng Senate majority leader.

Probinsya

Dahil sa 5.8-magnitude na lindol: Kalsada sa Liloan, Southern Leyte, nagkabitak-bitak!

Ayon sa kaniya, okay lang naman daw kumuha ng maraming abogado dahil katunayan marami raw abogado sa Senado, ngunit aniya, si Padilla ang magsasalita dahil hindi puwedeng magsalita ang mga abogado. 

Pinayuhan din ng senador si Padilla na dapat malaman nito ang mga legal terminologies dahil napaka-komplikado umano ng mga nito.

"So you have to know the legal terminologies. Hindi puwedeng i-simplify ang napaka-complicated na legal terminologies, particularly on revising laws and the Constitution. Lalo na kung ang ka-debate mo ay constitutionalist, mga dean of the law school of different colleges," dagdag pa niya. 

Gayunman, naniniwala pa rin si Zubiri na kakayanin ito ni Padilla.

Samantala, hindi pa rin pinal ang paghawak ni Padilla sa nasabing posisyon dahil ayon kay Zubiri ay pagbobotohan pa rin ito ng mga miyembro ng Senado.

"Ang katotohanan niyan mga kababayan, hindi basta din po maibibigay yung committee na yan sa kanya dahil kailangan mahalal po yan ng mga miyembro. So kung mayroon pong mga miyembro diyan sa dami namin sasabihin nila hindi ka karapat-dapat doon sa posisyon na yan, kung hindi po siya karapat-dapat sa posisyon na yan, ay hindi siya ihahalal ng mga miyembro ng Senado. Remember that the position, including mine, is elected in the plenary. Kailangan lahat po walang objection. Kung may objection, we will divide the house, magkakabotohan yan," saad niya.

"So kailangan niya na lapitan lahat ng miyembro and convince them na you know, bagay ako diyan dahil mag-aaral ako nang mabuti, so hindi po automatic yan," dagdag pa niya.