Ibinalandra ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang larawan ng Bagong Ospital ng Maynila sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Hunyo 2. Ibinahagi rin niya ang tila mataas na 'standards' niya pagdating sa ospital.

Ayon kay Domagoso, sinabi niya umano sa mga Manileño noon na hindi papasa sa kaniya ang Bagong Ospital ng Maynila kung hindi ito naging mas maganda kaysa sa St. Luke's.

"3 years ago sinabi ko sa mga Manileño, “Kapag ang Bagong Ospital ng Maynila na itatayo natin ay hindi naging mas maganda kaysa sa St. Luke’s, hindi papasa sa’kin."," saad ng alkalde.

"Ang biro tuloy ng iba ngayon, “Hindi naman St. Lukes 'yan kundi Shangri-La.”," dagdag pa niya.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayaw raw umano ni Domagoso na "mema" ang serbisyo.

"Ayoko po kasi nung “mema” na serbisyo — Me masabi lang, me mapa-piktyuran lang, me magawa lang. Hindi 'yun ang standard ko sa public service," aniya.

"Hindi pwede sa akin ang "pwede na 'yan." Gagawin na rin naman natin bakit hindi pa natin itodo at ibigay pinakamagandang serbisyo? Kapag may pinagawa tayo na pasilidad gusto natin hangga't maaari ay first-class service ang ibibigay natin sa taumbayan," dagdag pa niya.

Ang 10-story fully air conditioned district hospital ay sinimulan noong Hunyo 2020. Mayroon itong 384 na bed capacity kabilang ang 12 intensive care units at 20 privates rooms.

Ayon sa lokal na pamahalaan, mayroon itong kabuuang 29,951 square meters.