Nanawagan muli ang kampo ni Senator Leila de Lima sa Department of Justice (DOJ) na suriin ang mga kinakaharap na kaso nito hanggang sa maibasura.
Idinahilan ng abogado ng senador na si Atty. Filibon Tacardon, ang naging pagbawi ng prosecution witness na si Marcelo Adorco sa kanyang testimonya laban kay De Lima.
Ayon kay Tacardon, ikinatwiran ni Adorco na tinakot lamang umano siya upang gumawa ng testimonyang magdidiin sa senador.
Pagdidiin ng abogado, isang malinaw na ebidensya na gawa-gawa lamang umano ang mga kaso laban sa kanyang kliyente.
"Sa tingin namin, sumasalamin ito sa matagal na naming sinasabi na ang mga kaso laban kay Senator De Lima ay pawang gawa-gawa lamang ng mga taong tinakot at ginipit para gumawa ng kasinungalingan at palabasin na si Senator De Lima ay sangkot sa bentahan ng ilegal na droga,” ani Tacardon.
Sa kanyang isinumiting affidaviit noong Marso 24, 2002 sa DOJ, binawi ni Adorco ang kanyang mga naunang sinumpaang salaysay naginawa noong 2016 at 2017 na umaamin na may kinalaman siya sadroga, kabilang na si self-confessed drug lord Kervin Espinosa.
“Ang totoo niyan, napilitan lamang akong pirmahan ang nasabing Affidavit dahil sa pangamba sa aking buhay at kaligtasan,” ani Adorco, at tinukoy nito ang mga pulis mula sa Albuera Police Station sa Leyte.
Matatandaang tumestigo si Espinosa sa Senado at idinadawit si De Lima illegal drug trade noong ito pa ang kalihim ng DOJ, bagay na itinanggi ng senador. Noong Abril 28, 2022, binawi na ito ni Espinosa sa DOJ at iginiit na hindi niya kilala si De Lima.
Si De Lima ay nakapiit pa rin sa Philippine National Police-Custodial Center dahil sa mga kaso nitong may kaugnayan sa illegal drugs na dinidinig pa rin saMuntinlupa Regional Trial Court (RTC).