Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na tuluy-tuloy ang isinasagawang declogging operations sa lungsod ng Maynila lalo na ngayong panahon ng tag-ulan upang matiyak na maiiwasan ang mga pagbaha sa lungsod.

Kaugnay nito, pinuri at pinasalamatan ni Domagoso ang city engineer’s office sa pamumuno ni Engr. Armand Andres at ang department of public services sa ilalim naman ng pamumuno ni Kenneth Amurao dahil sa kanilang patuloy na declogging efforts sa buong siyudad.

“Walang tigil every single day ang unclogging of solid materials para tuloy-tuloy ang daloy. Pagdating ng bagyo at tag-ulan, hupa agad ang tubig kasi hindi barado,” ayon sa alkalde.

Nanawagan rin naman ang alkalde sa mga residente na itapon ng maayos ang kanilang mga basura dahil kung itatapon aniya ang mga ito kung saan-saan ay babara ito sa mga drainage at waterways at makadadagdag pa sa problema sa mga pagbaha.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Ang DPS at city engineering, walang ginawa kundi magsipsip ng mga imburnal, maglinis ng mga ilog, so please cooperate,” ani Domagoso.

“Lagi kong paalala, ang basurang itinapon ninyo, babalik sa inyo,” aniya pa.

Pinasalamatan rin naman ng alkalde ang mga personnel ng city government offices dahil sa kanilang dedikasyon sa trabaho.

Aniya, mayroon pa silang tinatawag na ‘submarine boys’ na pumapasok sa mga manholes upang alisin ang anumang nagiging hadlang sa pagdaloy ng tubig-baha.

Pinuri rin ng alkalde si Amurao na aniya ay siyang bumuo ng konsepto hinggil sa pag-recycle ng mga campaign materials na tinanggal ng mga tauhan ng DPS.

Nabatid na ang mga naturang campaign materials, na karamihan ay mga tarpaulins, ay ginawa nilang mga bag at pamaypay, upang mapakinabangan, sa halip na itapon lamang.