Wala na umanong interes si Senadora Cynthia Villar sa Senate Presidency, ayon sa panayam sa kaniya ng mga reporter ngayong Miyerkules, Hunyo 1.

"Wala na. Wala nang SP (Senate President) race... Ayoko na. I want a simple life," diretsahang tugon ni Villar kaugnay ng na-reject na term-sharing daw nila ni Majority Leader Senator Juan Miguel Zubiri sa pagka-Senate President.

Silang apat nina Senador Chiz Escudero at Senador Win Gatchalian ang mga nakikitang maaaring pumalit kay outgoing Senate President Tito Sotto III, na magtatapos na rin ang termino bilang senador, at hindi pinalad na manalo sa pagkabise presidente.

Ayon umano kay Zubiri, hindi raw sumang-ayon ang ilan sa mga senador sa ideya ng term-sharing nila ni Villar sa pagka-Senate President.

Ang isang nominadong Senador ay maaaring maging Senate President sa pamamagitan ng pagboto ng mayorya o 13 senador.

Mahalaga ang papel ng pagiging Senate President. Bukod sa siya ang pinakamataas na posisyon sa Upper House, siya rin ang nasa succession ng Presidente at Bise Presidente kung sakaling pareho itong mawala o mabakante, alinsunod sa Saligang-Batas.

Samantala, trending si Sen. Cynthia Villar ngayon sa Twitter dahil sa kaniyang mga sinabi.