Hindi napanatili ng limang appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang puwesto matapos ma-bypass ng Commission on Appointments (CA) ang temporary appointments ng mga ito nitong Miyerkules.

Hindi naisalang at bigong maaprubahan ng Committee on Constitutional Commissions ng CA nitong Hunyo 1 ang appointment nina Commission on Audit (COA) Chairperson Rizalina Noval Justol; Civil Service Commission Chairperson Karlo Alexei Nograles; Commission on Elections Chairperson Saidamen Pangarungan; Comelec Commissioner Aimee Torrefranca-Neri at Comelec Commissioner George Erwin Garcia.

Paliwanag ng CA, hindi na sila makapagsagawa pa ng pagdinig sa usapin at deliberasyon sa plenaryo kapag nagkaroon na ng adjournment sa mga sesyon ng Kongreso.

Sa pagkakataong ito, inihayag ni Senator Juan Miguel Zubiri na may pagkakataon na si President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na mamili ng itatalaga sa mga nasabing ahensya ng pamahalaan.