Sa unang araw ng Duterte Legacy Summit noong Lunes, Mayo 30, ipinagmalaki ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang infrastructure projects at kaugnay na programa na naisakatuparan ng ahensya sa loob ng anim na taon.

“When we assumed office 6 years ago, tandang-tanda ko ang sinabi ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na, 'Make the Filipino life convenient and comfortable.' This mandate is very simple and easy to understand but it is challenging to fulfill. Samu't-saring problema ang dapat naming masolusyunan at kaharapin sa apat na sektor: Aviation, Maritime, Rail at Road Transport,” ani Tugade sa kanyang Facebook post, Martes.

Sa kanyang ulat, ibinhagi ng hepe ng ahensya ang umabot na 250 natapos na airport projects sa iba’t ibang bahagi sa bansa kabilang ang "world-class na Passenger Terminal Building (PTB) ng Clark International Airport, Bicol International Airport, Mactan-Cebu International Airport, at marami pang iba."

“Masaya din akong ibahagi na nasawata na natin ang laglag-bala at bukas-bagahe sa NAIA. Mula sa dating bansag na, "worst international airport", ang NAIA ngayon ay isa na sa "most improved airports in the world". Everyone can now travel safely dahil sa mas ligtas, kumportable, mabilis at modernong mga world-class airport sa ating bansa,” dagdag ni Tugade.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Sa ating railway sector, puspusan po ang aming pagtatrabaho upang makamit ang 1,200-kilometers railway length sa bansa mula sa dating 77-kilometers lamang. Kabilang sa mga ongoing projects ang LRT-1 Cavite Extension, MRT-7, Metro Manila Subway, Common Station, North-South Commuter Railway Project at PNR Bicol,” pagpapatuloy nito.

Sunod na ipinagmalaki nito ang rehabilitasyon sa MRT-3 at ang nagpapatuloy na libreng sakay hanggang Hunyo 30.

“Sa Maritime sector, matagumpay pong natapos ang 579 seaport projects kung saan kabilang dito ang biggest Passenger Terminal Building to date na matatagpuan sa Port of Cagayan De Oro. The Philippines is an archipelago kaya nga ba't nararapat lang na ayusin at palakasin natin ang sea transport sa bansa.

“Samantala, mas pinalakas at modernized na ang Philippine Coast Guard (PCG) dahil mahigit 22,000 na ang mga kasapi dito. Hindi lamang sa West Philippine Sea o ibang parte ng karagatan, makikita mo na din ang PCG na tumutulong sa airport, sa kalsada, at relief operations. Indeed, the Coast Guard will always be there,” pagpapatuloy ni Tugade.

Kasama rin sa ulat ni Tugade ang tugon ng DOTr sa “sa backlog sa issuance ng drivers license and license plates with digitization efforts kasama ang Land Transportation Office (LTO).” Ipinagmalaki din niya ang EDSA Busway, bike lane networks at ang kauna-unahang "land port" sa bansa na PITX at ang PUV modernization program, ang Cebu Bus Rapid Transit.

Aminado naman si Tugade na hindi nila natugunan ang lahat ng kinahaharap na suliranin ng ahensya ngunit marami pa rin aniyang naisakatuparan na mga programa.

“Never before in the history of this country has the DOTr done so much in such a short time,” ani Tugade.

Sa huli, kumpiyansa ang termino ni Tugade na tumugon ang ahensya sa hamon ni Pangulong Duterte.

“Ito po ang ipinagmamalaki naming nagawa ng DOTr at legasiyang iiwan ng ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa mas kumportable at kumbinyenteng pamumuhay. Indeed, WE HAVE DELIVERED.”