Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, kasado na ang Pride Month celebration sa Hunyo.

Dalawang taon matapos makulong sa mga virtual celebration ng Pride Month sa Pilipinas dahil sa banta ng coronavirus disease (Covid-19), may tangkang muling ipagdiwang sa labas ang espesyal na buwan para sa LGBTQ+ community.

Sa anunsyo ng Pride PH, naselyuhan na ng QC LGU ang pagdiriwang sa darating na Hunyo 25, Sabado sa Quezon City Circle.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Pride PH/via Facebook

“PRIDE MONTH NA, RAMPA NA!” mababasa sa Facebook post ng Pride PH ngayong Martes, Mayo 31.

“Ihanda na ang mga rainbow flags at mga pasabog niyong rainbow outfits para sa pinaka-bonggang PRIDE FESTIVAL sa QC Circle sa June 25!” dagdag nito.

Ang selebrasyon ay isa ring protesta bilang pagkilala sa kauna-unahang pagkilos na inilunsad ng ilang miyembro ng LGBTQIA+ sa makasaysayang 1969 Stonewall Riot sa New York City.

Ang naturang pagkilos ang nagsilang ng ilan pang protesta para ipanawagan ang pantay na karapatan ng lesbian, gay, bisexual, transgender, at questioning (LGBTQ) Americans na kalauna’y nagbasura sa mga batas laban sa mga pang-aabuso sa komunidad hindi lang sa Amerika kundi maging sa iba't ibang bahagi ng mundo.